Ating Alamin!
Ang pinakamahalagang sagisag ng ating bansa ay ang ating WATAWAT. Ang ating bansa ay nananatiling malaya hangga’t nakikita nating nakataas at nakawagayway ang ating bandila. Ang ating mga bayani ay nagpunyagi at nag-alay ng kanilang buhay upang makamit natin ang kalayaan at makitang nakawagayway sa papawirin ang ating bandila.
Ang ating watawat ay gawa sa telang seda, na may puting tatsulok na disenyo sa kaliwa, sa pinakagitna ng tatsulok ay naroon ang isang araw na kulay dilaw. Ang itaas na bahagi ng bandila ay kulay asul at ang ibaba naman ay kulay pula. Ang kulay puti sa ating watawat ay sumasagisag ng katarungan, kapayapaan, at katotohanan. Ang pula naman ay sumasagisag ng katapangan at pagka-makabayan. Ang walong sinag ng araw ay sumisimbolo sa walong probinsiya na unang nag-alsa laban sa mga Kastila. Ang tatlong bituin naman ay sumisimbolo sa tatlong malalaking isla ng Pilipinas ang Luzon, Visayas at Mindanao. Ang bandilang ginawa sa Hong Kong ay iniuwi ng Pilipinas ni Heneral Emilio Aguinaldo. Ito ay opisyal na itinaas sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898 sa pagproklama sa Kasarinlan ng Pilipinas.
Sinasagisag ng bandila ang kalayaan ng mga Pilipino. Sa panahon ng kapayapaan, ang kulay bughaw sa ating bandila ay nasa itaas. Kapag may digmaan, ang kulay pula naman ang nasa itaas. Kapag nagluluksa ang ating bansa, ang watawat ay nasa kalagitnaan lamang ng tagdan.
(Teksto halaw sa libro ni Jesusa Garcia (2003) na pinamagatang, “Ang Bandilang Pilipino,” inilimbag sa Valenzuela City ng S.G.E. Publishing Inc.)
#NationalLibraryPH
#Watawat2023