Skip to main content
GOV.PH

Ano nga ba ang Acta de la Proclamación de la Independencia del Pueblo Filipino?

June 13, 2023

Ang Acta de la proclamacion de independencia del pueblo Filipino (ak·ta de la prok·la·mas·yon de in·de·pen·den·si·ya del pu·we·blo Fi·li·pi·no) ay ang kasulatang binasa sa araw ng deklarasyon ng kasarinlan at kalayaan ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 sa bahay ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Sa panulat sa Espanol ni Ambrosio Rianzares Bautista, kilala bilang Don Bosyong, sinulat ang proklamasyon mula Mayo hanggang Hunyo 1898 at nilagdaan ng 98 tao. Nilalaman ng proklamasyon ang pagmimithi ng kalayaan ng bansa mula sa kolonisasyon ng Espana.
Ang proklamasyon ay isang napakahalagang pangyayari pagkatapos bumalik ni Aguinaldo mula sa destiyero sa Hong Kong at bahagi ng planong wakasan ang pananakop ng mga Espanol sa Filipinas. Bumalik si Aguinaldo na sakay ng bapor na Amerikano at taglay ang paniwalang magiging kaalyado ang Estados Unidos sa pagpapaalis ng mga Espanol. Sa hapon ng Hunyo 12, iwinagayway ang Pambansang Watawat ng Filipinas na tinahi nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo, at Delfina Herboza sa Hong Kong. Tinugtog din ang Marcha Filipina Magdalo, kilala ngayon bilang Pambansang Awit na “Lupang Hinirang,” na binuong musika ni Julian Felipe.
Hindi kinilala ng Espana ang deklarasyon sa Cavite. Kaya nagpatuloy ang itinuturing na ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino. Ngunit lumitaw ding higit na nais sakupin ng Estados Unidos ang Filipinas mula sa Espana, na luminaw sa pagpasok ng hukbong Amerikano sa Maynila, at nang lumaon, sa pagkakaroon ng Tratadong Paris. Sa naturang kasunduan, ipinagbili ng Espana ang Filipinas sa Estados Unidos. Sa panahong iyon, hawak na ng Republika ng Filipinas na itinatag sa Malolos ang halos buong kapuluan. Ipinagpatuloy ng mga Amerikano ang layuning mapanakop at humantong sa Digmaang Filipino-Amerikano. Nagwagi ang mga Amerikano ngunit nangakong ihahanda ang mga Filipino tungo sa pagsasarili. Ibinigay ng Estados Unidos ang kasarinlan ng Filipinas noong 4 Hulyo 1946. Ngunit sa panahon ng pamumuno ni Pangulong Diosdado Macapagal, inilipat niya ang Araw ng Kasarinlan sa Hunyo 12 bilang pagkilala sa proklamasyon sa Kawit, Cavite noong 12 Hunyo 1898.
Sa kasalukuyan, ang dokumento ng deklarasyon sa Cavite ay nakatago sa Aklatang Pambansa ng Filipinas. (CID)

Sanggunian: Acta de la proclamacion de independencia del pueblo Filipino. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/acta-de-la-proclamacion-de-independencia-del-pueblo-filipino/

*****
Ang orihinal na sipi ng dokumento ay maaaring makita sa eksibit ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas sa ika-13 ng Hunyo 2023, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa ikalawang palapag ng gusali ng NLP.

#NationalLibraryPH
#KalayaanKinabukasanKasaysayan
#kalayaan125

 

National Library of the Philippines Skip to content