Ipinagdiriwang ngayong araw ang ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Pambansang Watawat kung kailan ginugunita ang araw nang unang itinaas ang Pambansang Watawat ng Pilipinas matapos ang matagumpay na Labanan sa Alapan noong Mayo 28, 1898. Ang watawat na ito ay pormal na ginamit sa proklamasyon ng kalayaan noong Hunyo 12, 1898.
Idineklara ng Proklamasyon Blg. 374, s. 1965 ang Mayo 28 ng bawat taon bilang National Flag Day, habang ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 179, s. 1994 ay nananawagan sa bawat Pilipino na hayagang iwagayway ang Pambansang Watawat sa lahat ng mga gusali, establisyimento, at tahanan mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 upang hikayatin ang bawat Pilipino na pahalagahan ang Pambansang Watawat bilang simbolo ng ating tinatamasang kalayaan.
Ang Pambansang Aklatan ng Pilipinas ay nakikiisa sa pagdiriwang ng makasaysayang araw na ito.