Skip to main content
GOV.PH

Koleksiyong Gawad Palanca sa NLP

April 4, 2023

Narito ang ilan lamang sa mga koleksiyong kinilala at nagwagi sa taunang timpalak pampanitikan na Carlos Palanca Memorial Awards for Literature na maaari ninyong makita at mabasa ngayong buwan ng Abril dito sa Pambansang Aklatan ng Pilipinas.

Halina’t tumuklas ng bagong mga akda at magbasa ngayon Buwan ng Panitikan!

#NationalLibraryPH

_________________

Ang buong pangalan ng timpalak pampanitikang ito ay Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (Kár·los Pa·láng·ka Me·mór·yal A·wárds for Li·te·réy·tyur) na binuksan noong 1950 bilang pag-alaala ng mga tagapagmana ni Don Carlos Palanda Sr. May layunin itong tumulong sa pagpa-paunlad ng panitikan ng Filipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng premyo sa mga manunulat para sa pagpapahusay nilá ng kanilang mga akda; at maging tagapag-ingat ng mga hiyas pampanitikan ng Filipinas at tumulong sa pagpapalaganap ng mga ito, lalo na sa hanay ng mga mag-aaral.

Nagsimula ang timpalak para sa maikling katha sa mga wikang Ingles at Filipino na iginawad noong 1951. Nag-ing matagumpay ang timpalak, kayâ nagdagdag ito ng mga kategorya: dulang may isang yugto noong 1953, tula noong 1963, sanaysay noong 1979, nobela noong 1980, maikling kuwentong pambatà noong 1989, dulang pan-telebisyon noong 1990 iskrip pampelikula noong 1994. Noong 1997, idinagdag ang mga dibisyon sa wikang rehiyonal at nagkaroon ng timpalak sa maikling kuwentong Ilokano, Sebwano, at Hiligaynon. Marami pang ibang kategoryang binuksan sa paglipas ng panahon bukod sa tumaas ang salaping gantimpala para sa nagwagi.

Sa kasalukuyan, may koleksiyon ang Palanca ng daan-daang nagwaging akda. Nalathala ang mga nagwagi hanggang dekada 80 sa mga antolohiya na ipinamudmod sa mga aklatan. May mga pansariling koleksiyon ng may-akda ang nalimbag na. Marami rin sa mga nagwaging dula ang naitanghal sa entablado. Ang Foundation Library ay nakabukas sa mga mag-aaral at iskolar na nais magsaliksik. Noong 1995, binuksan ang Palanca Hall of Fame na kumikilala sa sinumang limang ulit nagwagi ng unang gantimpala. May 22 awtor nang nagawaran ng Palanca Hall of Fame. Nagsimula rin ng palihan sa malikhaing pagsulat ang Palanca noong 1996. (VSA)

Sanggunian: Carlos Palanca Awards. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Nakuha sa https://philippineculturaleducation.com.ph/carlos-palanca-awards/

National Library of the Philippines Skip to content