Ika-125 Taong Anibersaryo ng Kongreso ng Malolos
Ngayong ika-15 ng Setyembre, ginugunita ang ika-125 taong anibersaryo ng Kongreso ng Malolos (Asamblea Nacional o Pambansang Asambelya) na nagbukas sa simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan. Ito ay ang Sangay Lehislatibo ng Pamahalaang Rebolusyunaryo ng Pilipinas na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo.
Ang mga itinalagang opisyal at mga nahalal na kinatawan ng Kongreso ay inatasang buuin ang konstitusyon ng bansa. Itinalagang Pangulo ng Kongreso si Pedro Paterno at Ikalawang Pangulo si Benito Legarda. Unang ginawa ng Kongreso ng Malolos ay ang pag-apruba sa Proklamasyon ng Kalayaan noong Hunyo 12, 1898 at kalaunan ay ang pagpapatibay sa Konstitusyon ng Malolos na nagbigay-daan sa pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas.
Bilang paggunita sa makasaysayang araw na ito, ibinabahagi ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas ang koleksyon ng mga dokumento ng Kongreso ng Malolos kabilang na ang sipi ng talumpati ng Emilio Aguinaldo na kaniyang binigkas sa pagbubukas ng Asamblea Nacional noong Setyembre 15, 1898 sa Simbahan ng Barasoain, Malolos, Bulacan at ang orihinal na sipi ng Konstitusyon ng Malolos.
Sanggunian: Araw ng Republikang Filipino, 1899. https://www.officialgazette.gov.ph/araw-ng-republikang-filipino-1899/
NLP Rare and Special Collections