Buwan ng Wikang Pambansa 2021
Ang Pambansang Aklatan ng Pilipinas ay nakikibahagi sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto 2021.
Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pakikiisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuón sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taón partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging “Filipino-centric” na nararapat na sumasalamin sa Pilipinong pananaw at nagbabantayog sa pag-unawa at damdámin ng pagmamalaki sa ating mga ninuno at mayamang pamanang kultural sa porma ng panitikan, wika, mga sining, at ibá pang manipestasyong kultural. Nararapat ding bigyang-diin nitó ang Pilipinong Identidad at halagáhan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan.
Simbolismo sa poster
Ang bangkâ sa kabuoan ay representasyon ng ating Austronesian heritage. Itinatanghal nitó ang perspektiba na ang yaman ng ating lahi ay nása mga wika ng bansa na dalá ng lahing Austronesian na nanirahan sa ibá’t ibáng panig ng kapuluan iláng libong taón na ang nakalilipas. At nang lumáon ay naipalaganap ng ating mga ninuno sa mga bansa sa Dagat Pasipiko mulang Guam at New Zealand hanggang Madagascar sa pamamagitan ng bangkâ. Naging mahalaga ang bangkâ sa ating mga ninuno hindi lámang sa paglalakbay, pagtuklas, pangangalakal, pangingisda, at pamamasyal kundi sa pagpapamalas ng kanilang pagiging bihasâ sa karagatan.
Ang alon na binubuo ng pangalan ng mga wikang umiiral sa kapuluan ay paalala na iisa lámang ang pinagmulan ng mga wika sa bansa. Itinatagubilin nitó na ibá-ibá man ang ating mga wika, bahagi táyo ng iisang dagat. Samakatwid, pantay ang halaga ng ating mga wika na dapat igalang at pahalagahan. Anupa’t ang matagumpay na pangangalaga sa lahat ng katutubong wika sa bansa na siyáng mandato ng KWF salig sa Batas Republika Blg. 7104 ay tagumpay natin bílang isang bansa at isang lahi!
Táyo nang sumakay sa bangkâ, lakbayín ang nakaraan sa pamamagitan ng mga katutubong wika, at muling tuklasin ang ating sarili bílang PILIPINO.
Tunghayan ang ang iba’t ibang gawain ng Komisyon sa Wikang Filipino ngayong Agosto sa kanilang FB page https://web.facebook.com/komfilgov.
Sanggunian:
Komsiyon sa Wikang Filipino, https://web.facebook.com/komfilgov