Ang Pambansang Aklatan ng Pilipinas ay nakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan ngayong Agosto 2024. Ito ay sa bisa ng Proklamasyon Blg. 339, s. 2012 na nagdeklara sa buwan ng Agosto bilang Buwan ng Kasaysayan dahil sa mahahalagang kaganapan sa kasaysayan ng bansa na naganap sa buwan na ito, kabilang ang Araw ng mga Bayani, ang anibersaryo ng Sigaw ng Pugadlawin at ang Labanan sa San Juan del Monte, at ang kapanganakan at anibersaryo ng kamatayan ng mga bayani at pangulo.
Pinangungunahan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang pagdiriwang sa temang ‘Salaysay ng Bayan, Saysay ng Bansa’ (Stories of the People, Essence of the Nation). Binibigyang halaga nito ang kasaysayang pampook bilang mahalagang salik sa pagbubuo ng pambansang kasaysayan.