Alam n’yo ba?
Bahagi ng mayamang koleksyon ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas ang ilan sa mga akdang isinulat ng mga Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Ngayong Buwan ng Panitikan, nais ibahagi ng NLP ang ilan sa mga akdang isinulat ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario.
Tara na’t magbasa at tumuklas ng bagong kaalaman!
#SaNationalLibraryMageenjoyKaDito
____________________
Si Virgilio S. Almario (Ver·híl·yo Es Al·már·yo) ay isa sa mga nangungunang makata, iskolar, at kritiko sa bansa, bukod sa pagiging mahusay na propesor, tagasalin, pabliser, editor, leksikograpo, at tagapamahalang pangkultura. Dahil sa mga naiambag niyá sa iba’t ibang larangan ng sining at kulturang Filipino, lalo na sa larangan ng panitikan, kinilála siyáng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2003.
Bilang makata, kilalá siyang si Rio Alma. Inilathala niyá noong 1967 ang kaniyang unang koleksiyon ng mga tula, ang Makinasyon at Ilang Tula. Lahat ng nailathala niyáng tula bago matapos ang ika-20 siglo ay tinipon ng U.P. Press at inilimbag sa dalawang tomong Una Kong Milenyum (1998).
Isa rin si Almario sa pinakamasigasig na iskolar at kritiko sa panitikan ng Filipinas, lalo na sa panulaang Tagalog. Noong 1972, inilathala niyá ang Ang Makata sa Panahon ng Makina, isang kalipunan ng mga panunuring pampanulaan. Sinundan pa ito ng mga pag-aaral hinggil sa kasaysayang pampanulaan at mga pananaliksik tungkol sa katutubong tradisyon ng pagtula, kabílang ang Taludtod at Talinghaga (1965; 1991), Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino (1981), Balagtasismo Versus Modernismo (1984), Kung Sino ang Kumatha Kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, atbp. (1992), Panitikan ng Rebolusyon (g 1896) (1993), at Pag-unawa sa Ating Pagtula (2006), Mahigit Sansiglo ng Makabagong Tula sa Filipinas (2006).
Ang kaniyang pagsubaybay sa wikang Filipino ay makikita sa Filipino ng mga Filipino (1993; 2009) at Tradisyon at Wikang Filipino (1998), Patnubay sa Masinop na Pagsulat (1981), isang manwal sa estilo, at UP Diksiyonaryong Filipino (2001; 2010), ang maituturing ngayong pinakakomprehensibong monolingguwal na diksiyonaryo sa wikang pambansa. Nagsalin din si Almario ng mga halimbawa ng pinakamahuhusay na akda ng daigdig at inilibro sa Makabagong Tinig ng Siglo (1989). Bukod dito, naging lider siyá sa akademya, at sa mga organisasyong pangkultura, at naging guro ng mga kabataang manunulat gaya sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo).
Dahil dito, tumanggap siyá ng maraming gawad at gantimpala, gaya ng TOYM para sa panitikan (1983), Southeast Asia Write Award of Bangkok (1989), Dangal ng Lipi Award (1993; 2008) ng Bulacan; Gawad Patnubay ng Sining (1992) ng Lungsod Maynila; Gantimpalang Quezon (1993) ng Lungsod Quezon, at marami pa.
Ipinanganak si Almario sa Camias, San Miguel de Mayumo, Bulacan kina Ricardo Almario at Feliciana Senadren. Nagtapos siyá ng A.B. Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1963 at naging guro sa San Miguel High School, na kaniya ring pinagtapusan ng kaniyang sekundaryang pag-aaral. Pagkaraan, nagturo siyá sa Department of Philippine Studies ng Pamantasang Ateneo de Manila noong 1969. Noong 2009, pinagkalooban siyá ng honoris causa ng University of Regina Carmeli ng Bulacan at sa kasalukuyan, siyá ay professor emeritus sa U.P. Ikinasal siyá kay Emelina B. Soriano at biniyayaan ng tatlong anak, sina Asa Victoria, Ani Rosa, at Agno Virgilio. (GSZ)
Sanggunian: Almario, Virgilio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Nakuha sa https://philippineculturaleducation.com.ph/almario-virgilio/